News

June 17, 2017

Malaya nga ba tayo?*

News bullet:

ANG pagpapahayag ng kalayaa’y tanda ng pagbawi sa sariling kaakuhan (national identity) mula sa isang mapanakop na kapangyarihan. Gayun man hindi lahat ng pagpapahayag ng kalayaan ay nauuwi sa tunay na paglaya.

Noong isang araw ay ginunita ng pamahalaan ang ika-119 na taong Deklarasyon ng Kalayaan ng diktador na si Emilio Aguinaldo. Subalit ang araw ng kalayaan na kinikilala natin ngayon ang tunay ba na araw ng paglaya o ito ay araw ng kataksilan laban sa bayan?

Mula ika-4 ng Hulyo ay ginawang Hunyo 12 ni dating Pangulong Diosdado Macapagal ang pag-gunita sa araw ng ating kalayaan para makuha ng kanyang administrasyon ang suporta ng mga makabayang puwersa. Kakatwang ginawa niya ito matapos niyang buksan ang ating ekonomiya sa mga dayuhan at gibain ang mga makabayang patakaran ng kanyang pinalitang pangulo na si Carlos P. Garcia.

Bago naging Araw ng Kalayaan ang Hunyo 12 ay kinikilala na ito bilang Pambansang Araw ng Watawat sapagkat sa petsang ito diumano nuong 1898 unang iwinagayway ang kasalukuyang bandila sa tahanan ni Aguinaldo sa Kawit, Cavite.

Pero ayon sa tala ng kasaysayan, unang iwinagayway ang ating bandila nuong ika-28 ng Mayo, 1898 sa kasagsagan ng labanan ng mga rebolusyunaryong Pilipino at kawal Kastila sa barrio Alapan, Imus, Cavite. Ito’y 15 araw bago mag Hunyo 12.

Gayun ma’y mali pa rin na kilalalin ang Hunyo 12 ni Aguinaldo bilang Araw ng Kalayaan sapagkat nuong Agosto, 1896 pa, sa pangunguna ni Supremong Andres Bonifacio at ng mga kasapi ng Kagalanggalangan Kataastaasang Katipunan ng mga Anak ng Bayan (KKK-AnB), naipahayag na nila ang kalayaan ng bayan.

Ayon sa mga tala’t saksi, mula Agosto 23 hanggang 26, 1896 ay idineklara ni Bonifacio at mga kasama ang kalayaan at ang pagsisimula nang himagsikan laban sa mga Kastila. Pinunit nila ang kanilang mga cedula at nagdaos nang mga makabayang pagpapahayag sa mga barrio ng Pugad Lawin, Kangkong, Bahay Toro at Pasong Tamo (na ngayo’y mga barangay ng Lungsod Quezon).

Hindi gaya ng malinaw na deklarasyon ng kalayaan ni Bonifacio, ang pahayag ni Aguinaldo sa Kawit ay oxymoronic o kinakikitaan ng mga elementong magkasalungat. Nagdedeklara ito ng “kalayaan” pero kasabay ng pahayag na ito ay idinedeklara rin niya na ang Pilipinas ay isang protectorate ng United States.

Bilang US protectorate lumalabas na ibig ni Aguinaldo na ang Pilipinas ay maging isa lamang teritoryo ng Amerika na may autonomiya tulad ng Puerto Rico o Guam at hindi isang malayang bansa. Hindi pinansin ng pamahalaang Amerikano ang pagsisipsip ni Aguinaldo at tayo ay kanilang pataksil na dinigma. Ang digmaang Pilipino-Amerikano ay tumagal mula 1899 hanggang 1902 at tinatayang 600,000 hanggang isang milyong Pilipino ang nasawi sa loob ng panahong ito.

Sa loob ng 48 na taon ay isang teritoryo ng US ang Pilipinas. Nuong ika-4 ng Hulyo 1946 ay binigyan tayo ng kalayaan ng mga Amerikano matapos nilang matiyak na mananatili tayong neo-kolonyal, isang kalalagayan na tunay na ugat ng ating kahirapan ngayon.

Ngayon, ang Hunyo 12 ba ay araw ng kalayaan o kataksilan?

* * *

(Maari ring mabasa ang Usaping Bayan sa Opinion Section ng pahayagang Hataw tuwing araw ng Biyernes at Lunes. Makikita rin sa http://www.hatawtabloid.com ang tala na ito).

*Ang mga pananaw sa artikulong ito ay sa sumulat.  Maaring hindi ito ang opisyal na posisyon ng Beyond Deadlines.

Beyond Deadlines
(Click link above to read the story via Beyond Deadlines)

Comments

comments

Leave a Reply