Mga salamisim*

News bullet:

SINABI ng Bangko Sentral kamakailan na mas marami pa rin daw na Pilipino na walang savings account sa bangko. Papaano naman mag iimpok ang tao…eh, walang i-iimpok sa hirap ng buhay? Dapat kumilos ang pamahalaan, katulong ang taong bayan at mga organisadong sektor para mabago ang ganitong siste, kung saan ang mayayaman lamang ang yumayaman at ang mahihirap ay lalong nababaon sa hirap.

* * *

Hindi ko alam kung napapansin ninyo kung papaano tayo ginugulangan ng mga bangko? Alam ba ninyo na kapag nagdedeposito tayo ng pera sa bangko ay nagpapautang tayo sa kanila ng puhunan? Opo, ito ang dahilan kaya may interes ang ating deposito, pero napansin ba ninyo kung gaano kaliit ang interes na kinikita ng pera natin?

Ngayon kapag tayo ang umutang sa bangko, napansin din ba ninyo kung gaano kalaki ang interes na ipinapatong nila sa utang nation? Yan ang tinatawag na gulang. Harap-harapan tayong ginugulangan, kaya kung ako sa inyo limitahan lang ang pagdedeposito at mas gamitin o ipuhunan ang perang hawak sa mga kooperatiba.

Ang mga executive ng mga bangko, sabi ng isang kilala ko, ay mga dorobo na naka-Amerikana.

* * *

Nambobola na naman si Rodrigo Duterte kamakailan sa pagsasabing ibig niyang putulin ang haba ng kanyang termino bilang pangulo at gawin itong co-terminus sa paguumpisa nang pagsusulat sa bagong saligang batas. Sinabi pa niya na dapat daw maghalal tayo ng bagong presidente para may bagong pinuno sa pagpasok ng bagong saligang batas.

Alam naman niyang hindi puwede yun dahil kung sakaling magresign o mawala siya sa poder ay automatic na uupo si Vice President Leni Robredo. Hindi rin puwedeng bawasan o iklian ang termino ng pangulo dahil nasa Saligang Batas ito.

Malinaw na bola lamang ang pinagsasabi niya, kaya ewan ko kung bakit marami pa rin siyang napaniniwala sa mga joke niya.

* * *

Ang panukalang pederalismo ay lalo lamang magpapalakas sa mga warlord at political dynasties sa ating bansa. Lalo lamang nitong hahatiin ang bayan sa panahon na naghahagilap pa tayo ng ating kaakuhan o national identity.

Sana ay suriin ninyo munang mabuti ang panukalang ito at ang konteksto’t lagay ng ating kaakuhan bago magpahayag ng suporta sa paurong na panukalang ito.

* * *

Sa palagay ng Usaping Bayan walang masama na kilalanin ang civil union ng mga gays dahil may karapatan naman silang lumigaya at maging legally secure sa pagmamahalang nadarama. Gayun man ay hindi nila dapat ipilit na sila’y kasalin sa mga simbahan, lalo na’t doon sa mga hindi tanggap ang pagkakasal sa dalawang tao na may parehong kasarian. Ito ay bilang respeto sa doktrina ng kanilang mga mananampalataya.

Para pa rin sa maraming simbahan sa ngayon, ang kasal ay eksklusibo lamang sa babae’t lalaki.

Gayun man ay naniniwala ang Usaping Bayan na puwede at dapat basbasan ang relasyon ng mga gay. Kung nagagawa nga na basbasan ang bahay, patay o ang mga hayop; hindi ba mas marapat lamang na, “short of marriage,” ay basbasan din ang ganitong uri ng relasyo’t pagmamahalan.

* * *

Pasyalan ninyo ang Beyond Deadlines sa www.beyonddeadlines.com para sa mga balita sa ating nagbabagang panahon. Sana ay makaugalian ninyo na bisitahin lagi ang website ng Beyond Deadlines. Salamat po. Pasyalan nyo rin ang pahayagang Hataw sa hatawtabloid.com kung saan lumalabas din ang Usaping Bayan tuwing Miyerkoles at Biyernes.

 

*Ang mga pananaw sa artikulong ito ay sa sumulat. Maaring hindi ito ang opisyal na posisyon ng Beyond Deadlines.
BD Admin: You think your friends gonna like this story/opinion? If you do, kindly share it. Thanks.

The post Mga salamisim* appeared first on Beyond Deadlines.

Beyond Deadlines
(Click link above to read the story via Beyond Deadlines)

Comments

comments

Be the first to comment

Leave a Reply